Hindi napigilan ng komedyanteng si Betong Sumaya na maging emosyonal nang tanungin kung ano plano niyang gawin kapag natapos na ang enhanced community quarantine.

Ayon kay Betong, mag-isa lang siya ngayong umiiral ang ECQ kaya ang puntahan ang pamilya ang una niyang gagawin kapag puwede na siyang bumiyahe.

"Sobra ko na silang missed. Kahit nakakausap ko sila sa facetime, iba rin yung nakikita mo sila nang personal," saad ng Kapuso actor.

"Dito mo narerealized kung gaano kaimportante yung pamilya mo," dagdag pa ni Betong na ipinakita rin ang larawan ng kaniyang pamilya na nakadikit sa dingding na hindi niya inaalis.

Thankful daw si Betong na maayos ang kaniyang kinalalagyan at may sapat naman siyang pagkain pero labis lang siyang nangungulila dahil matagal na panahon na rin siyang malayo sa kaniyang pamilya.

Kapag natiyak niya na wala siyang virus, kaagad daw niyang yayakapin at hahagkan ang kaniyang pamilya. --FRJ, GMA News