Labis ang kalungkutan ng mga kawani at artista ng ABS-CBN Network nang magpasya ang House Committee on Legislative Franchise na ibasura na ang aplikasyon para sa prangkisa ng nasabing broadcast company.

Kabilang ang komedyanteng si Vice Ganda sa mga artista na nakiisa sa pagtitipon sa labas ng kanilang network sa Mother Ignacia, Quezon City. 

"Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa inyo. Hindi ko po talaga alam na para akong nanginginig na hindi ko alam. Basta ang alam ko lang malungkot na malungkot ako ngayon," sabi ni Vice sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News"24 Oras."

Dagdag pa niya, "Mahalaga ito sa akin dahil buhay natin ito, eh."

Nagkaroon din ng caravan at pagtitipon sa labas ng Kamara de Representantes sa Batasan Complex na dinaluhan din ng ilang Kapamilya stars tulad nina Kathryn Bernardo, Angel Locsin, at Piolo Pascual.

"Andito na tayo talaga para magpakita ng suporta sa ABS at tumatanaw tayo ng utang na loob at humingi tayo ng compassion sa Kongreso para mabigyan ng pagkakataon magkaroon ng buhay ang hindi lang mga empleyado, pamilya po ng ABS-CBN," sabi ni Piolo.

Ilang mambabatas ng Makabayan bloc ang nakibahagi sa pagtitipon sa labas ng gate ng Batasan upang pagsuporta sa network.

Pero nilimitahan ng mga awtoridad ang tagal ng kanilang pananatili sa lugar.

"We just want to stand our ground, but siyempre hindi naman kami mag-cause ng trouble. We're practicing social distancing as well, but we want to fight, you know in a good way, just for them to realize that we mean well," ayon kay Piolo.

Umasa naman ang ilang opisyal ng ABS-CBN na sana ay nabigyan sila ng panibagong pagkakataon pero iginagalang daw nila ang desisyon.

"It looks highly political; highly, highly political. But, that being said, I respect their decision and I respect what they have done. I will accept it. It's painful, no doubt about it, but the law is the law," pahayag ni Ernie Lopez.

"Masakit ngayon, I feel like we didn't get a chance. Handa namang magbago ang ABS, handa naman to change whatever needs to be changed, so I feel so bad that we were not given an opportunity to change again," dagdag niya.

Sa botohan ng komite ang aplikasyon ng ABS-CBN para makapag-operate, 70 ang bumoto na ibasura ang prangkisa, 11 ang pabor, at tatlo ang hindi bumoto.—FRJ, GMA News