Bagaman kasama si Andrea Torres sa pag-aayos at pagpili ng ilang gamit sa dream house na ipinagawa ng nobyong si Derek Ramsay, nilinaw naman ng dalawa na hindi sila nagsasama sa iisang bubong.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Andrea na bagaman nirerespeto niya ang mga nagli-live in, pero mas nais pa rin daw niya na may basbas ng  Diyos kapag bumuo na siya ng pamilya.

ADVERTISEMENT

Ayon pa kay Andrea, madalas naman daw siyang magpunta sa bahay ni Derek lalo na kapag may okasyon sa pamilya ng aktor.

Nilinaw naman ni Derek na wala pa sa buhay niya si Andrea nang simulan niyang ipagawa ang kaniyang dream house.

"I was building this house for the next chapter in my life. Hindi ko pa alam na Andrea was gonna come into my life and I'm so lucky that she did," anang aktor.

At sa kalagitnaan ng pagpapagawa ng bahay, nagpasya siyang itodo na ang pagpaplano para sa future na kasama na si Andrea.

Kasabay nito, nagbabala rin si Derek sa publiko laban sa taong gumagamit ng kaniyang pangalan at nagpapanggap na siya para makapangloko. --FRJ, GMA News