Sa kaniyang kaarawan ngayong Sabado, Enero 2, nagdesisyon si Alden Richards na i-donate sa isang fan niya na cancer patient ang P45,000 na napanalunan niya sa "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga."

Si Alden ang napiling guest player, kung saan siya ang kumilatis ng mga batang entrepreneur na sinimulan ang kanilang negosyo noong 21 taong gulang sila o mas bata pa.

Sa huli, nagwagi si Alden ng P45,000.

"Bossing, puwede pong mag-request?" pakisuyo ni Alden kay Eat Bulaga host Vic Sotto.

"'Yung nakuha ko pong pera dito, ido-donate ko po sana doon po sa isa kong fan na Aldenatics, si Elani Roldan na cancer patient po," pagpapatuloy ng Asia's Multimedia Star.

Paglalahad ni Alden tungkol sa fan: "Ang nangyari po kasi, mayroon po siyang breast cancer pero gumaling po eventually. And then nito lang pong huli, a few months ago, bumalik po ulit 'yung cancer niya. Ngayon naman po nasa lungs naman tsaka sa bone."

"Doon ko na lang po ibibigay 'yung premyo," sabi pa ni Alden.

Biniro naman ni Alden si Bossing Vic na alam niya na bibigyan siya nito ng pa-birthday.

"Kasi alam ko naman po Bossing bibigyan niyo rin po ako ng [regalo] eh. Dadaan na lang po ako sa Alabang mamaya," biro ni Alden.

"Sana gumaling 'yung fan mo. Padadalahan natin, baka dagdagan pa nga ni Maine 'yan eh," birong hirit naman ni Bossing kay Maine Mendoza.

Noong nakaraang buwan, isinagawa ni Alden ang kaniyang “Alden’s Reality: The Virtual Reality Concert” kasabay ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo niya sa showbiz. – Jamil Santos/RC, GMA News