Sinusulit na ni Jennylyn Mercado ang mga panahon habang bata ng anak na si Alex Jazz, dahil sa susunod na buwan isa na itong teenager.

"Ang bilis ng panahon kaya masasabi ko talaga sa mommies 'yung habang baby at habang maliliit pa sila, i-enjoy na talaga nila 'yung moment kasi ang bilis nilang lumaki," sabi ni Jennylyn sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."

Kaya naman kinukuha na ni Jennylyn ang bawat chance na makapag-bonding silang mag-ina, tulad nang mag-hiking sila sa Tanay kasama si Dennis Trillo at anak nitong si Calix.

Sinabi ni Jennylyn na sulit ang hirap sa kanilang outdoor activity.

"Nine hours 'yung hiking namin kahapon at umuulan, walang tigil ang ulan kaya medyo nahirapan kami at medyo natagalan, kasi 'yung buong bahay namin talagang nag-hike," anang Kapuso Ultimate Star.

Ayon kay Jennylyn, importante sa mga anak na may mga ganitong klase ng aktibidad lalo ngayong madalas na nasa bahay pa rin ang mga tao.

Paalala ng Kapuso actress, siguraduhin lang ang safety, at sumunod sa health protocols.

"Para naman maiba kasi kung tayo nga, nahihirapan na lagi lang nakakulong sa bahay, ang dami nang nagkakaroon ng anxiety or depression. Ito 'yung way namin kung paano ibe-break 'yon,"

Muling mapapanood si Jennylyn sa "Daig Kayo ng Lola Ko" matapos ang halos apat na taon, kung saan magiging leading man niya si Paolo Contis. Jamil Santos/LBG, GMA News