Inihayag ni Willie Revillame na marami nang mamamahayag ang nagte-text sa kaniya para alamin kung sasabak ba siya sa Eleksyon 2022.

Sa isang episode ng kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win," humingi ng paumanhin si Kuya Wil sa mga mamamahayag dahil wala pa siyang masasabi sa ngayon.

"Wala pang mai-interview sa akin kasi wala pa naman akong desisyon. I hope maintindihan niyo. Once lumabas naman akong magdesisyon na, ayun open na 'ko sa lahat," paliwanag niya.

Una nang sinabi ni Kuya Wil na sa unang linggo ng Agosto siya posibleng magbigay ng mahalagang anunsyo tungkol sa isang mabigat na desisyon na gagawin niya sa kaniyang buhay.

"Oktubre pa yung filing [ng certificate of candidacy] matagal pa," dagdag niya, sabay sabing gusto niya lang munang patuloy na tumulong sa pamamagitan ng kaniyang programa.

Ayon pa sa TV host, ngayon pa lang ay may mga bumabatikos na sa kaniya kahit hindi pa siya nakakapagdesisyon kung papasok talaga siya sa pulitika.

"Hindi ka naman kailangang magaling na magaling at marunong na marunong eh. Kumuha ka ng magagaling na abogado, para ikaw ay makagawa ng magandang batas. Ang importante ay matulungan mo ang mahihirap nating kababayan," paliwanag niya.

"This is not the right time para tayo magkumpara-kumpara. Saka wala pa ho akong desisyon, 'wag niyo muna akong tirahin. Wala munang tirahan," dagdag niya Kuya Wil. --FRJ, GMA News