Ikinatuwa ni Jennica Garcia na malamang proud sa kaniya ang anak niyang si Athena Mori sa kaniyang pagiging "tindera" o raketera.

"Matagal ko nang alam na alam ni Mori 'yung trabaho ko, pero hindi kasi pag-aartista, taga-gawa ng laruan," sabi ni Jennica sa programang "Mars Pa More."

Kuwento ni Jennica, minsan niyang narinig si Mori na nakikipag-usap sa mga kaibigan tungkol sa trabaho ng kanilang mga magulang.

"Totoo pala 'yung mga jokes noong unang panahon, 'yung 'Wala kayo sa lola ko,' kasi naririnig ko siya nakikipag-ganu'nan sa kaibigan niyang Inglisero, hindi naman sila nagkakaintindihan," sabi ni Jennica.

"'My mama, she came from the states and I have so many toys. My mom is a lawyer,'" kuwento ni Jennica na sabi raw ng mga kaibigan ni Mori.

Pero si Mori, proud sa ginagawang pagtitinda ni Jennica.

"'Well, my mom is a tindera!'" sabi raw ni Mori.

"Sabi ko 'Ay ito pala 'yung jokes noong unang panahon,' sinasabi pala talaga, alam pala nila 'yon," sabi niya.

Gumawa ng iba't ibang paraan si Jennica para kumita ng pera noong mga panahong wala siya sa showbiz.

"Ma-raket kasi ako. Nu'ng hindi ako nag-artista, hindi ako mapili sa trabaho," sabi ni Jennica.

Ikinuwento ng aktres ang madiskarte niyang marketing sa kaniyang mga tinda tulad ng tinapay sa kanilang tinitirhan noon.

"Six floors 'yung unit namin. Paglalagyan ko ngayon 'yan ng flyers, de sulat lang sa pad paper tapos ilalagay ko 'yung Viber number ko, tapos sasabihin ko sa kanila 'Kaya kong mag-deliver ng 8 a.m. everyday, fresh!,'" kuwento niya.

Kumikita raw si Jennica noon ng P800-P1,000 kada araw sa kaniyang negosyong tinapay.--FRJ, GMA News