Itinuturing ni Claire Castro na isang "karangalan" ang masampal siya ng mga magagaling na aktres na sina Gina Alajar at Glaiza De Castro sa kanilang Kapuso series na "Nagbabagang Luha."

"Isang karangalan po!" sabi ni Claire sa Kapuso Showbiz News tungkol sa kaniyang pakiramdam na masampal nina Gina at Glaiza.

Ayon kay Claire, "mabait" si Glaiza pagdating sa pananampal sa mga eksena. Humihingi naman daw kaagad sa kaniya ng paumanhin ang actress-director na si Gina bago at matapos ang kanilang eksena.

"Fan girl din po ako eh. Si Ate Glai (Glaiza) po kasi, sinasabi po niya talaga sa akin na hihinaan lang niya. Kasi parang ayaw niya akong sampalin, ayaw niya po akong masaktan. Ganoon po kabait si ate Glaiza, sasabihin niya sa'yo," sabi ni Claire.

"Tsaka si Direk Gina rin po, before po 'yung scenes namin, mauuna 'yung sorry," dagdag pa niya.

Matatandaang nagkagulatan ang mga bida sa isang eksena sa "Nagbabagang Luha" nang hindi nila inaasahan na isang malakas na backhand slap ang pakakawalan ni Gina na dumapo sa pisngi ng newbie actress na si Claire.

Naging trending at pinag-usapan online ang naturang eksena matapos na umabot sa milyon-milyon ang views nito sa Facebook.


--FRJ, GMA News