Isa na ngayong ama ang dating child actor na si Lester Llansang, at proud sa kaniyang hanapbuhay bilang isang online seller at delivery rider matapos matigil sa showbiz.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Lester na mayroon na siyang anak na lalaki na 11-anyos na. Pero naghiwalay na sila ng kaniyang asawa.

Sa ngayon, nasa pangangalaga ng kaniyang estranged wife ang kanilang anak dahil na rin sa pandemic.

"Okay naman po, in good terms naman kami," sabi ni Lester tungkol sa kaniyang asawa, at maayos daw ang kanilang paghihiwalay.

"Kami na ang nagkakaintindihan, para doon sa bata kasi. Pero okay kami, meron na siyang boyfriend ngayon, meron akong girlfriend ngayon. Okay din kami kahit sa bata kasi 'yung anak ko talaga nakakaintindi," ani Lester.

Nagsimulang dumalang ang proyekto ni Lester mula nang magbinata na siya at dumating sa "awkward stage" ang kaniyang showbiz career.

Bilang child actor noon, nakatanggap si Lester ng mga parangal sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at FAMAS.

Pero may pagkaabalahan at kumita, nag-online selling siya at siya na mismo ang nagdedeliver ng order. Gayunman, naghahangad pa rin niyang makabalik sa showbiz

"Yes opo. And sobrang nagpapasalamat pa rin ako kasi hindi talaga ako nawala totally. Paunti-unti mahina, pero eto pa rin meron pa rin namang mga nag-o-offer sa akin," pahayag niya.

Bukod sa pag-arte, may iba pa palang itinatagong talento si Lester sa musika at maging sa pagde-direk. Panoorin ang kaniyang kuwento sa video ng "Tunay Na Buhay." 

--FRJ, GMA News