Kung magkakaroon ng eksena na siya ang sasampal, sinabi ni Chariz Solomon na gusto niyang magawa ito kay Cherie Gil.

Sa isang segment ng programang "Mars Pa More," napunta kay Chariz ang tanong na: "Kung kinakailangan talaga ng sampalan scene sa isang show na gagawin ko, gusto kong ako ang sasampal kay..."

Bago banggitin ang pangalan ng katrabaho na gusto niyang masampal, sinimulan muna ni Chariz sa paliwanag ang kaniyang sagot.

"Kung gusto mong magawa ang something, gusto mong gawin 'yon sa pinakamagaling 'di ba? So, yung gusto mo, yung laging nananampal, ikaw naman yung mananampal sa kaniya. Parang point 'yon sa career mo," paliwanag ng aktres.

"For me siya kasi ang the best...si Miss Cherie Gil," sabi ni Chariz, na sinundan niya ng pangalan ni Princess Punzalan.

"Saka naka-work ko siya, very professional," dagdag ni Chariz.

Dahil eksenang sampalan ang pinag-usapan, sinabi ng host na si Camille Prats na hindi pa niya nakaka-eksena si Cherie Gil.

Bagaman nasampal na siya sa mga ginawang proyekto, sinabi ni Camille na hindi pa niya nakakaranas na manampal sa eksena. --FRJ, GMA News