Kabilang sina Bea Alonzo at Maricel Laxa sa international movie na “1521: The Battle of Mactan,” kasama ang American actor na si Danny Trejo, na bumida noon sa "Machete" at "From Dusk Till Dawn.”

Sa kaniyang Instagram stories, ibinahagi ni Bea ang kanilang group photo, kung saan nakasuot sila ng pulang sumbrero na may nakalagay na "1521."

Ayon sa ulat ng DYPR Palawan, isinagawa ng cast at crew ng “1521: The Battle of Mactan” ang press conference sa Palawan nitong Huwebes. Sinimulan na rin umano ang shooting sa iba't ibang lokasyon sa Palawan noong Agosto 2.

Ibinahagi rin ni Maricel ang ilang larawan nila ni Bea sa press con.

“Diwata and (Ate) Ahmani to rock your world … soon!” caption ni Maricel, kasama ang #1521movie na hashtag.

 

 

Nagbahagi rin si Danny sa kaniyang Instagram stories ng group photo mula sa press con.

Kilala ang aktor sa kaniyang mga role sa “Machete,” “Spy Kids,” at “From Dusk Till Dawn.”

Ayon sa ulat, ang pelikula ay sa direksyon ni Michael Copon, kung saan bida rin sina Hector David Jr., Costas Mandylor, at Terry Amos. Ang pelikula ay sa ilalim ng Inspire Studios ni Francis Lara Ho. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News