Aminado si Katrina Halili na na-miss niya ang gumanap bilang palaban at walang inuurungan, na karakter niya ngayon sa special four-part episode ng Tadhana na "Hanggang Kailan." 

"Na-enjoy ko itong character ko rito sa Tadhana, at least naiba naman nang kaunti. Parang naibalik ako doon sa dati kong character," sabi ni Katrina sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

"Gusto naman ng mga tao na mabait ako pero ang dami kong nababasa na nami-miss nila ako na maging maldita rin," dagdag ni Katrina.

Maliban sa Tadhana na may dapat pang abangang dalawang episode, kasalukuyang nagte-taping din si Katrina ng upcoming GMA Afternoon Prime series na Unica Hija.

Kapag walang taping, umuuwi si Kat sa Palawan kasama ang anak na si Katie.

"Parang gusto ko munang mag-focus sa anak ko and ibang life din naman kasama 'yung family ko sa Palawan. Alam mo 'yun, parang hindi rin naman ako nagshu-shoot," anang aktres.

Ginagampanan muna ni Katrina ang kaniyang mommy duties kay Katie, na 10-anyos na ngayon.

Nagtayo na rin si Katrina ng restaurant sa El Nido na malapit sa eskuwelahan ng kaniyang anak.--Jamil Santos/FRJ, GMA News