Kinumpirma ni Heart Evangelista na may tirahan na siya sa Paris.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ginawa ng Kapuso Queen of Creative Collaborations ang rebelasyon sa kaniyang bagong Instagram live.

"I just got myself an apartment," saad ng aktres. "I do not really plan to buy anything else because I have all of my nice furniture and I want it to be very, very nice. I am saving up for that."

Nitong nakaraang buwan lang, may mga bali-balitang maninirahan siya sa City of Love makaraang aminin niya na dumadaan siya sa "a lot of personal stuff" at sumailalim siya sa IVF treatment.

Wala namang ibinigay na dahilan si Heart kung bakit siya bumili ng apartment sa Paris, pero ilang beses na siyang nagpupunta rito para dumalo sa iba't ibang event tulad ng nakaraang Paris Fashion Week.

Kasabay nito, pinag-usapan din sa social media ang kumpirmasyon na mayroon siyang cameo role sa "Bling Empire" Season 3 ng Netflix.—FRJ, GMA News