Mga Kapuso na rin sina Bianca Manalo ay Jayson Gainza matapos pumirma ng kontrata sa Sparkle sa ginanap na "Signed For Stardom" event.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing excited at hopeful si Jayson.

"Masaya, iba 'yung environment. Nagulat ako, hindi ko inaasam na tatanggapin nila ako nang buong buo. Sana magtuloy-tuloy ito," sabi ni Jayson.

Handa na rin si Bianca sa mga bagong showbiz challenges.

"Doon ako nae-excite kasi mabibigyan ako ng chance mapakita 'yung iba ko pang kayang gawin. Ito ang chance ko na ipakita pa ang other side ni Bianca," anang dating beauty queen.

Samantala, certified Kapuso pa rin si Derrick Monasterio.

Nagsimula si Derrick mula pa noong 2010, at napamahal na sa mga Kapuso bilang isang heartthrob at Kapuso hunk.

Hinangaan din siya sa iba't ibang roles na kaniyang ginampanan, kabilang na rito si Red Ramos sa seryeng “Return To Paradise.”

"Feel ko naman baby na baby ako. Love na love nila ako at alam nila ang right projects for me," sabi ni Derrick. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News