Nilinaw ni Dina Bonnevie na hindi niya intensyong patamaan si Alex Gonzaga nang magpaalala siya na hindi dapat ipinampapahid sa tao ang cake nang magdiwang siya ng kaniyang kaarawan kamakailan.

"It was a joke," pahayag ni Dina sa "Fast Talk with Boy Abunda" episode nitong Martes.

"Kasi that time, 'di ba nandu'n na 'yung cake. Tapos 'Oh! Oh! Oh!' ganu'nan 'yung mga tao, parang nanunukso," kuwento niya.

Ipinagdiwang kamakailan ni Dina ang kaniyang ika-61 kaarawan noong Enero 27, at kasama niya sa kaniyang birthday bash ang mga mahal niya sa buhay.

Kabilang sa nakita sa video sina Oyo Sotto at asawang si Kristine Hermosa at si Marc Pingris na asawa ni Danica.

Kapansin-pansin sa isang video na tila natatakot ang waiter na hawakan ang cake na malapit kay Dina. Kaya sinabi ng aktres na, "Hindi kita papahiran ng cake. Magpapasalamat ako sa 'yo."

Nang hawakan na ng ibang staff ang cake para magpakuha ng larawan kay Dina, nagpaalala siya na hindi dapat ipinapahid sa tao ang cake.

Sa panayam sa kaniya ni Tito Boy, sinabi ni Dina na purong biro niya lamang ito.

"'Yung waiter natatakot. Sabi ko 'No, no, no. I won't put cake on your face. But not to do something. Parang joke na lang 'yun. 'Sige i-post mo na.' It was a joke," saad niya.

"But I didn't intend to hurt... if I hurt Alex's feelings because na-post 'yon, sorry pero, it was a joke. Wala. We were just having fun noong birthday ko," paliwanag pa ng aktres.

Matatandaang na mainit na pinag-usapan sa social media ang ginawang pagpahid ni Alex ng cake sa isang waiter nang ipagdiwang ang kaniyang ika-35 kaarawan.

Humingi na ng paumanhin si Alex sa naturang pangyayari at sinabing may leksiyon siyang natutunan.--FRJ, GMA Integrated News