Inihayag ni Andrea Torres ang pinakamalaking aral na natutunan niya sa kaniyang pagganap bilang si "Sisa" sa Kapuso hit historical portal fantasy series na "Maria Clara at Ibarra."

"Pahalagahan mo ang mga magulang mo. Reminder sa atin 'yang lahat na, wow!, ganito talaga ang kayang gawin ng mga magulang natin para sa atin. At ganito 'yung pagdadaanan nila 'pag nangyari ito sa mga anak nila," sabi ni Andrea sa Mornings with GMA Regional TV.

Nawala sa kaniyang katinuan si Sisa dahil sa nangyaring trahediya at pagkawala ng kaniyang mga anak na sina Crispin at Basilio.

"Moving forward, mas ma-appreciate natin mga magulang natin," ayon kay Andrea, na tumanggap ng mga papuri sa mahusay niyang pagganap sa naturang karakter.

Bukod dito, natutunan din ni Andrea na huwag agad husgahan ang mga tao na dumaranas ng mental illness.

"At the same time, huwag nating i-judge 'yung mga taong katulad ni Sisa na sa panglabas kakaiba ang kilos. Kasi grabe pala 'yung pinagdaanan niya sobrang nakakaiyak pala, sobrang tragic pala," paliwanag ng Kapuso actress.

"At least next time 'pag may na-engkwentro tayong gano'ng tao, mas nagiging kind tayo sa kanila or baka mas matulungan natin sila. Kaysa 'yung parang may wall tayo agad na 'Ayokong ma-associate sa 'yo' or 'Ayokong lumapit sa 'yo,'" ayon pa kay Andrea.

Sa panayam naman sa kaniya ng isang lifestyle magazine, sinabi ni Andrea na layunin niyang protektahan ang karakter ni Sisa para mabuksan ang kaisipan ng viewers na hindi siya basta isang baliw na karakter lamang na nilikha ni Jose Rizal.

“Parang always joke [si Sisa]. So sabi ko, ‘Parang meron siyang motherly side e,’ and there's always a reason behind everyone's actions. At least magkaroon man lang ng ganoong realization [yung viewers] na, ‘Ah, hindi lang siya baliw. It’s reasonable why she's acting that way,’" sabi ni Andrea.

"Baka hindi siya baliw, baka she's just reacting to what's happening. Kung ikaw naman yung nandoon sa situation na yun as a mom, hindi mo na rin alam, tsaka wala kang tulog, wala kang kain for days kaya ganun yung emotions mo,” dagdag ni Andrea.—FRJ, GMA Integrated News