Ibinahagi ni Luane Dy ang nakatutuwang diskarte ng kaniya na ngayong mister na si Carlo Gonzalez para mapansin niya ito.

Sa “Surprise Guest with Pia Arcangel,” inilahad nina Luane at Carlo ang naging first impressions nila sa isa’t isa.

“Masungit, suplado,” saad ni Luane tungkol kay Carlo.

“Siya ‘yung quiet type. Nasa isang sulok lang siya tapos may dala lang siyang libro. Wala siyang ibang kakausapin, magbabasa lang siya, ‘Bahala kayo sa buhay niyo diyan,’ ganu’n siya,” sabi ni Luane.

“‘Yun ‘yung pa-effect na effective,” biro naman ni Carlo tungkol sa kaniyang diskarte.

Pero nalaman kalaunan ni Luane na kunwari lang pala ang pagbabasa ni Carlo ng libro para magmukhang "mysterious."

“Pa-effect lang pala, kapag tinanong mo pala sa kaniya ‘Ano ‘yung binabasa mo?’ ‘Ahhm hindi ko rin alam e,’” natatawang kuwento ni Luane.

“Baliktad pala ‘yung libro. Oh ‘di ba?” biro ni Carlo.

Gayunman, inamin ni Luane na tumalab sa kaniya ang diskarte ng aktor.

Ayon naman kay Carlo, “bubbly” at “loud” ang first impression niya kay Luane.

“Sobrang bubbly siya nu’n e nu’ng first time I met her. Bubbly personality tapos a little bit loud ganu’n,” anang aktor.

“Pero totoo naman ‘di ba?” pag-amin ni Luane.

“It will grow on you. Which is it did in my case,” sabi ni Carlo.

Bukod dito, nagkasundo rin sina Carlo at Luane sa mga libro at sa arts.

Matapos maging mag-partner ng 12 taon, at kasal sa civil ceremony ng tatlong taon, sinelyohan na nina Carlo at Luane ng kasal sa simbahan kamakailan ang kanilang pagsasama.

“Ang sarap ng feeling na twice tayo magpapakasal,” sabi ni Luane. --FRJ, GMA Integrated News