Inihayag ni Althea Ablan na bago pa man sila magkatrabaho ni Jillian Ward, matagal na niya itong hinahangaan bilang isa sa mga star ng Kapuso Network.

Sa isang panayam sa Kapuso Showbiz News, binalikan ni Althea kung kailan sila unang nagkatrabaho ni Jillian.

"Si Jillian, noong first kami nagka-work is sa Super Ma'am. Doon pa lang sinabi ko na sa kaniya na idol ko na siya. Noong nag-Prima Donnas kami, doon talaga kami naging close, mas nakilala namin ang isa’t isa,” sabi ni Althea.

Ipinalabas ang drama action fantasy series na Super Ma’am noong Setyembre 2017.

Nagkasama naman sina Althea at Jillian sa Prima Donnas noong 2019, kung saan pa nagkaroon ng Book 2 ang hit afternoon series.

“Si Jillian is super fun, si Jill is very matured tsaka marami kang matututunan sa kaniya kasi parang mas advanced siyang mag-isip kaysa sa amin, lalo na sa Prima Donnas. Kaya super happy ako na naging close kami, siyempre Jillian Ward ‘yan, superstar na ‘yan noon. Sobrang kinikilig ako,” sabi ni Althea tungkol sa kaniyang kaibigan.

Bukod dito, close rin sina Althea at Jillian maging sa labas ng trabaho.

“Si Jill kasi kapag kailangan mo siya lagi siyang nandiyan, hindi lang sa set, pagdating sa acting, pati sa personal life, kaya sobrang thankful ako sa kaniya," saad ng Kapuso teen actress.

Dalaga na ang dating “Trudis Liit” star nang mag-debut siya nitong Pebrero.

Star-studded ang kaniyang ika-18 na kaarawan, na dinaluhan din ni Althea.--FRJ, GMA Integrated News