Para kay Derrick Monasterio, si Elle Villanueva na ang babaeng nais niyang makasama sa buhay.

Inamin ni Elle kamakailan ang ginagawang panliligaw  sa kaniya ng aktor.

Sa panayam ng PEP.ph, sinab ni Derrick tungkol kay Elle na, "As much as possible, gusto ko siya na."

Ang isa sa mga nagustuhan umano ng Kapuso actor kay Elle: "Sobrang concerned siya sa growth ko."

"Halimbawa, magulo ang kotse ko, sasabihin niyang, 'Ayusin naman natin 'yan. For our mental health 'yan. 'Pag maayos ang mga gamit sa paligid mo, maayos din ang utak mo,'" ani Derrick. "'Yung mga ganun. Sabi ko, 'Wow, iba 'to a.'"

Dahil 27-anyos na, sinabi ni Derrick na panahon na para maghanap siya ng taong magiging kasama niya sa buhay.

Pero dahil sa trabaho, nakikita ni Derrick ang sarili na lalagay siya sa tahimik pagsapit ng edad 35 o 40.

"Gusto ko by thirty-five, or forty, parang... I mean, maayos na 'yon. At saka, alam ko na 'yung direksyon," saad ng binata. "Maaga mag-retire, forty or forty-five, gusto ko nagta-travel na ako sa buong mundo."

Ipapahingi na rin ng aktor ang kaniyang "playboy image."

"Sa sarili ko na lang din... wala na. Siyempre, nag-ma-mature na, tumatanda. Kailangan na ring ayusin ang buhay," pahayag niya.

Nagkasama sina Derrick at Elle sa nakaraang Kapuso drama series na "Return to Paradise."

Sa isang panayam, sinabi ni Elle na lalong tumibay ang samahan nila ni Derrick matapos ang kanilang proyekto.—FRJ, GMA Integrated News