Kinaiinisan ng mga manonood si Skye Chua sa kaniyang role bilang si "Sonja" sa Kapuso series na "Hearts on Ice." Pero pag-amin niya, nagbibigay din sa kaniya ng insipirasyon ang kuwento ng bidang si "Ponggay" [Ashley Ortega], na isang figure skater na may kapansanan.

Sa Kapuso Insider, sinabing kauna-unahang serye ni Skye ang "Hearts on Ice," na isang ice skating drama series.

Gaya ni Ashley, isa ring professional figure skater si Skye. Pero malayo sa personalidad ni Skye sa tunay na buhay ang ginagampanan niyang karakter na si Sonja, na nagpapahirap sa buhay ni Ponggay.

Para kay Skye, hindi nalalayo sa kaniya ang kuwento ni Ponggay. Nangarap din siyang maging figure skater noong bata pa lang nang makakita ng figure skater sa pinupuntahan niyang mall.

"The story overall since I'm an athlete  and figure skater, I am really inspired by the story. For someone na with injury growing up as a kid tapos naabot niya yung pangarap niya. So it's really one na inspirational na teleserye," sabi ni Skye.

Aminado naman ang dalaga na naging malaking hamon sa kaniya ang pag-arte.

“Of course very challenging for me ang acting po. Athlete naman po talaga ako and this (acting) is not my playing field so I had to go through some workshops,” sabi ni Skye.

Ngunit sa tulong ng kaniyang acting coach at ng mga kasama sa “Hearts on Ice,” naging pamilyar din si Skye sa pag-arte.

“Before going into Hearts on Ice, kilala ko na po si ate Ashley. So we’ve been training and skating together. So I was comfortable with her. Going into the teleserye with meeting with other new people, it just felt as if we were a family. We instantly are super comfortable with each other,” sabi ni Skye.

“Since bago po ako, lagi silang nandiyan para i-guide ako, to do my best. Sinasabihan nila ako what I can improve in. I’m so lucky that I’m able to work with this cast,” dagdag pa niya.

Kahit na bago sa pag-arte, hindi naman iba kay Skye ang figure skating dahil kampeon siya sa sport na ito.

Si Skye ang nakapag-uwi ng gintong medalya sa ginanap na Philippine National Figure Skating Championships noong 2017.

Labing dalawang taon nang professional figure skater si Skye at miyembro ng Philippine National Figure Skating Team, at sumali na sa iba’t ibang local at international competitions gaya ng sa Hong Kong, Indonesia at Russia. --FRJ, GMA Integrated News