Itinuturing ni Paolo Contis na “most improved” actor si Kelvin Miranda mula nang makasama niya sa "Bubble Gang," at hanggang sa maging bida na sa ilang Kapuso series.
Sa online talk show na “Just In” na host si Paolo, binalikan ng kaniyang guest na si Kelvin ang kaniyang humble beginnings sa Kapuso Network, kasabay ng pagganap niya sa mga pelikulang “Class of 2018” at “Dead Kids.”
Una niyang exposure sa telebisyon ang Maynila noong 2017.
“Nag-enjoy ako roon sa pag-arte. Simula noon, doon ko na nasabi na ‘Sige, bibigyan ko ng chance ‘yung sarili ko na tahakin ito, seryosohin ang bagay na ito,’” sabi ni Kelvin.
Hanggang sa maging guest si Kelvin sa longest-running Kapuso gag show na "Bubble Gang."
“Bagong-bago pa ako noon…Kahit nandoon na ako sa Bubble, hindi ko pa rin talaga alam ‘yung [pag-arte],” pag-amin ni Kelvin.
“Wala! Wala,” pagsang-ayon ni Paolo, na tinutukoy ang acting ni Kelvin.
“Kaya ko siya tinatawag na ‘most improved’ kasi noong 'Bubble,' waley eh, wala talaga. Totoo. Alam niya ‘yun,” sabi ni Paolo kay Kelvin.
“Nahihiya kasi ako sa kanila kung paano…” pag-amin naman ni Kelvin.
Kaya naman daw "binabastos" noon si Paolo si Kelvin sa "Bubble Gang" para mawala ang hiya nito at maging kalmado sa kanilang ginagawa.
Pero malaki na ang pagbabago sa acting ni Kelvin na bumida na sa ilang Kapuso series tulad ng “The Lost Recipe” at “Stories From the Heart: Loving Miss Bridgette.”
“After noong Bubble mo, tapos nakita kita nag-'Lost Recipe' ka, tapos ginawa mo ‘yung kay Beauty [Gonzales]. Tapos nakita ko, ‘Galing nitong batang ito ah. Bakit noong 'Bubble' hindi siya ganoon ka-ano...?’” sabi ni Paolo.
Inilahad ni Kelvin na pinagbuti niya ang sarili sa pag-acting sa pamamagitan ng pag-oobserba.
“Nagulat lang din ako kuya kasi nag-self taught na lang din ako sa acting kasi hindi ko natatapos ‘yung mga workshops ko. ‘Yung natutunan ko, sa experience na talaga. Lagi lang akong nag-o-observe, nanahimik lang ako nang matagal,” saad ng Kapuso actor.
“Matagal akong naging ‘dead kid’ kasi ang hirap umalis doon sa character," patungkol niya sa movie na kasama siya na 'Dead Kids.' "Nagstart doon, observe na lang ako nang observe. Hindi ko naman sinasabing magaling ako or hindi ko naman bini-big deal kapag may maganda akong nagagawa.”
“‘Hindi kulang pa, kailangan ko pang…’ Lagi naman akong ganu’n. Gusto ko lagi, kung magaling ako ngayon, gusto ko mas magaling ako bukas, mas magaling pa ulit sa kinabukasan. Ayokong mag-stop na matuto. ‘Yun lang ‘yung pinanghahawakan ko kasi hindi naman talaga ako magaling, pero ‘yung kaya ko lang ipagmalaki is ‘yung passion ko sa ginagawa ko,” sabi pa ni Kelvin. --FRJ, GMA Integrated News