Tila ayaw magpatalo ng 83-anyos na veteran Hollywood actor na si Al Pacino sa kapuwa niya aktor na si Robert De Niro, 79-anyos, pagdating sa pagiging ama kahit pa may edad na sila.

Makaraang ianunsyo ni De Niro nitong nakaraang Mayo na nagkaroon muli siya ng baby, kinumpirma naman ngayon ng kinatawan ni Pacino na buntis ang girlfriend nito.
 
Sa ulat ng Reuters, sinabing unang nilathala ng celebrity news website na TMZ na walong buwang buntis ang 29-anyos na nobya ni Pacino na si Noor Alfallah, na isang producer.

Abril 2022 umano nang maugnay si Pacino kay Alfallah.

Kinumpirma naman ng kinatawan ni Pacino ang pagbubuntis ni Alfallah pero hindi na ito nagbigay ng ibang detalye.

Mayroon nang tatlong anak si Pacino; isa sa acting coach na si Jan Tarrant, at kambal naman sa aktres na si Beverly D’Angelo.

Nitong nakaraang buwan, ibinahagi ng aktor na si De Niro, ilang beses nang nakasama ni Pacino sa mga pelikula, na mayroon siyang bagong baby--na ika-pito niyang anak.

At gaya ni Pacino, may kambal ding anak si De Niro.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News