Dahil nahirapang tanggapin ang pagkawala ng amang si Francis Magalona, inilahad ni Maxene Magalona na nagkaroon din siya ng isang toxic relationship noon sa sarili at kinailangan niya ng professional help.
“Hindi ‘yung mga toxic relationships natin with our partners or families. ‘Yung toxic relationship with ourselves, ‘yan ang pinaka-nakalalason talaga,” sabi ni Maxene sa Updated with Nelson Canlas podcast.
“Kasi the most important relationship, that you will ever have is your relationship with yourself and your relationship with God. That's it. You have to keep a strong relationship with yourself. Meaning, kilala mo dapat ang sarili mo,” pagpapatuloy ni Maxene.
Sa parehong panayam, inilahad ni Maxene na limang taon siyang kumapit sa partying at alak para maibsan ang sakit na nararamdaman sa pagkawala ng ama.
Ngunit pag-amin niya, dumating sa puntong maging siya ay nadismaya na rin sa sarili dahil sa kaniyang “adult tantrums.”
“And the tipping point for me was when I started getting disgusted with myself… I'm 37 already now,” sabi niya.
Kuwento ni Maxene, may mga pagkakataong labis siyang magagalit dahil lamang sa maliliit na bagay.
“Around 30 to 33 years old. During that period, I was getting disappointed and disgusted with myself. Because I would have what I would call ‘adult tantrums,’" saad ng aktres.
Kahit maliit na bagay o dahilan, nagagalit na umano siya, at dumating sa punto na tinanong na niya ang sarili kung saan nanggaling ang galit niya.
"Alam mo ‘yon, konting may banggitin lang ‘yung tao sa paligid ko, ‘pag hindi ko nagustuhan, sasabog na ako. Hindi naman niya kasalanan. Hindi niya alam na mati-trigger ako roon,” patuloy ni Maxene.
Dahil dito, nagpasiya si Maxene na humingi ng propesyonal na tulong.
“So when I started seeing na hindi na proportion ‘yung reaction ko du’n sa nangyayari, du’n na ako nag-decide na kailangan ko na ng professional help. And that's when I started going to my psychiatrist back in I think 2019,” kuwento niya.
“What I learned in my journey is, you can't control other people kahit pino-provoke ka nila. You can't control them. You can only control the way you react,” sabi ni Maxene tungkol sa kaniyang natutuhan.
Sa naturang panayam, pinasalamatan ni Maxene ang GMA Integrated News reporters na si Nelson at Aubrey Carampel, na nagsilbing kaniyang kaibigan at hindi siya hinusgahan sa kaniyang pinagdaraanan.
“But what I would say, Nelson, is I'm so grateful to you and Aubrey for accepting me kahit si ‘Maxene Magulo-na’ ako noon, iba pa ‘yung energy ko noon. But you guys were always just... too nice to me and accepting kahit na ganu’n ‘yung pinapakita ko," pahayag niya.
"I'm sorry. I would like to apologize for how I used to behave when I was younger. But I'd also like to thank you for being non-judgmental towards me,” sabi pa ni Maxene.-- FRJ, GMA Integrated News