Bukod sa pag-arte at TV hosting, pinasok na rin ni Empoy Marquez na pagiging host sa GMA show na "I-Juander." Kaya rin kaya niyang sumabak sa news reporting?
Sa latest episode ng "Surprise Guest with Pia Arcangel" podcast, naging bisita si Empoy at ipinakilala bilang bagong co-host ni Susan Enriquez sa "I-Juander," na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa kulturang Pinoy, kung saan samasabak sila sa iba't ibang challenges.
Pero ayon kay Empoy, ang hindi pa niya nasusubukan ay ang magbalita.
Kaya naman naisip ni Pia na sabihan si Susan, na isabak sa isang challenge ng pagbabalita si Empoy.
"Maniniwala kaya sa akin 'yung mga tao kapag nagbabalita ako? Kunwari sa 24 Oras?" natatawang sabi ni Empoy.
"'Yun pa lang natatawa na ako. Baka ilipat 'yung channel ng mga tao," dugtong niya.
Tinanong ni Pia si Empoy kung may nais pa ba siyang subukan sa kaniyang karera.
"Actually marami pa ako Ms. P na gusto kong i-explore, isa na 'yung sinabi mo. Malay mo, 'di ba, next time i-guest niyo ako, magbalita ako diyan," sabi niya.
"Maraming puwedeng subukan na hindi ko pa na-e-experience na, siguro masarap lang pagkanagawa ko," dagdag ni Empoy.
Ikinuwento ni Empoy na hilig na talaga niya ang media mula pagkabata, at nakapagtapos siya ng kursong Mass Communication.
"Ang pangarap ko talaga before, gusto ko talagang maging DJ ng radio station, FM," sabi niya.
Inalala ni Empoy na may sinalihan siyang contest noon at siya ang nanalo rito. Ipinambili niya ng cellphone ang premyo.
"Wala, hindi ako mahilig sa mga cellphone. Gusto kong magka-phone noong time na 'yun kasi parang kinutuban ako mapapasok ako sa industriya, eh 'yun na nga ang nangyari, eh kailangan meron kang contact," sabi niya.
Taong 2003 nang manalo si Empoy sa isang look-alike contest ni "Mr. Suave" na ginampanan ni Vhong Navarro. Kalaunan, napasok na rin siya sa showbiz industry.
Pagpasok niya sa showbiz, inobserbahan niya ang ginagawa ng mga researcher, scriptwriter, direktor, producer o creative.
"Sabi ko 'Ang suwerte ko na pala Lord dahil ito 'yung naging work ko. Pero kung susubukin naman 'yung mga ganu'n, why not, puwede naman," ani Empoy.
"Tinitingnan ko kung paano sila kumikilos sa loob ng studio. Sabi ko, ang hirap pala, kasi sila 'yung ngarag eh, lalo na especially 'yung mga artlet, sila 'yung unang dumadating sa set pero sila rin 'yung huling aalis," dagdag ni Empoy.
Mapanonood ang "I Juander" kung saan pinakabagong host si Empoy tuwing Linggo ng 7:50 p.m. sa GTV. --FRJ, GMA Integrated News