Naging emosyonal si Michael Sager nang ikuwento sa kaniyang mga ka-housemates sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition" ang ginawa niyang sakripisyo upang tahakin ang showbiz career na binalak din noon ng kaniyang ama.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inutusan ni "Kuya" ang housemates na ikuwento ang kanilang pagsisimula sa showbiz.
Ayon sa leading man ng "My Ilonggo Girl," nasa isip niya ang pagpasok sa showbiz dahil nag-audition din noon ang kaniyang ama sa PBB Season 2. Pero hindi na naituloy ang kaniyang ama dahil nagkasakit ang kaniyang lolo.
"Lumipat ako dito from scratch and wala akong friends—something I really wish I had. I really wanted this dream but ang laking sacrifice was my family and my life in Canada," sabi ni Michael.
"I would go home to myself, eating and I couldn't tell share stories with anybody and I couldn't tell anything about my day," kuwento pa ng young actor na nagsimula nang mabasag ang boses.
Sa kabila ng lahat, kinumbinsi ni Michael ang sarili na magiging worth it ang lahat ng kaniyang sakripisyo.
Hindi naman nagkamali si Michael dahil isa na siya sa mga rising leading men ng GMA Network sa mga teleserye.
Bago maging leading man sa "My Ilonggo Girl," napanood din si Michael sa "Shining Inheritance," "Luv Is: Caught In His Arms," at "Abot-Kamay Na Pangarap."
Ayon kay Michael, hindi niya pinalampas ang oportunidad nang malaman ang tungkol sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition."
"I really said yes to it because it was my biggest prayer when I started. Full circle moment for me," saad niya. "I don't know how long I'll be here, I don't know how long this will last, I wanna be thankful,"
Mapapanood ang "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition" sa weekdays sa GMA Network sa ganap na 10:00 p.m. at weekends sa 6:15 p.m. —FRJ, GMA Integrated News