Ibinahagi ni Cristine Reyes kung paano isinagawa ng kaniyang fiancé na si Gio Tiongson ang marriage proposal nito sa kaniya, at ang anak niyang si Amarah mismo ang kumuha ng video.

Sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes, sinabi ng aktres na nangyari ito sa isang karaniwang Linggo ng umaga bago sila magsimba.

"Wala po akong malay talaga. One Sunday morning, the usual, pupunta po kami ng church tapos umakyat si Gio sa taas, sa kuwarto ko kasi we live in the same building. Kumbaga nasa baba siya, nasa taas ako. Umakyat siya," ani Cristine.

"May dala-dala siyang paperbag na maliit tapos parang nakakutob agad ako. Kasi knowing Gio, saka alam niya din ako, we don't want something super spectacle or super grand," dagdag ng aktres.

Ayon kay Cristine, nang makita niya na seryoso ang mukha ni Gio, doon niya napagtanto na dumating na ang matagal niyang hinihintay na sandali.

"When I saw it and 'yung face seryoso, 'Ay alam ko na. Ito na 'yon,'" saad niya.

Agad umano niyang tinawag ang kaniyang anak na si Amarah upang i-record ang espesyal na sandali kahit hindi pa nito alam ang mangyayari.

"Siyempre I wanna have a recording or a documentation of this special moment na lahat ng babae pinapangarap na mayroong someone na mangangako na makasama ka habang buhay," ani Cristine.

"So sabi ko instinctively, 'Amarah, record this.' Sinasabi pa ni Amarah, 'What's happening? What's this?,'" patuloy niya.

Ayon kay Cristine, lumuhod kalaunan si Gio sa harap niya at nagtanong ng proposal, dahilan upang mapuno siya ng emosyon at hindi agad nakasagot.

"Seryoso na si Gio tapos bigla siyang lumuhod then he popped the question. Hindi pa agad ako nasakagot parang overwhleming 'yung feeling na finally, bumuhos agad 'yung emosyon, umiyak agad," kuwento niya. "Hindi pa ako nakasalita. He had to ask again."

Inanunsyo ni Cristine ang kanilang engagement ni Gio noong Mayo 20.

Ayon sa aktres, una niyang nakilala si Gio sa marriage booth sa isang fair ng Ateneo de Manila Grade School noong mga bata pa sila. Ani Cristine, gumanap siya noon na bride habang pari naman ang batang si Gio.

Dating ikinasal si Cristine sa professional MMA fighter na si Ali Khatibi noong 2016. Mayroon silang anak na si Amarah na ipinanganak noong 2015.

Noong Pebrero 2024, kinumpirma ni Cristine sa “Fast Talk with Boy Abunda” na napawalang-bisa na ang kasal nila ni Ali. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA News