Iniulat na naghiwalay na sina Ariana Grande at Ethan Slater matapos ang mahigit dalawang taong relasyon.

Ayon sa isang ulat ng People, sinabing tahimik na naghiwalay ang dalawa ilang buwan na ang nakararaan. Gayunpaman, nananatili umano silang "friends and very supportive of each other."

Nagsimulang mag-date sina Ariana at Ethan noong 2023, ang parehong taon na nakipaghiwalay sila sa kani-kanilang mga asawa.

Bagama't hindi nila kinumpirma sa publiko ang kanilang relasyon, nagbahagi sila ng mga larawan ng isa't isa sa social media sa pagdaan ng mga taon.

Nakita rin silang magkasama sa mga public events.

Nagkita ang dalawa sa set ng "Wicked," na gumanap si Ariana bilang si Glinda habang gumanap naman si Ethan bilang si Boq.

Nakatakdang ilunsad ni Ariana ang "Petal," na kaniyang ikawalong studio album, sa Hulyo 31.

Bibida rin siya sa pelikulang "Focker-in-Law," na nakatakdang ilabas sa Nobyembre.-- Hermes Joy Tunac/Jamil Santos/FRJ GMA News