Napanood kamakailan si Kuya Kurt sa isang special appearance sa Kapuso drama action series na "The Master Cutter” nitong Lunes bilang may-ari ng isang paresan. Sino nga ba si Kuya Kurt na isang vlogger?
1. Amerikanong vlogger na may pusong Pinoy
Isinilang si Kuya Kurt bilang si Kurt Harris, isang Amerikanong vlogger na sumikat dahil sa kaniyang pagmamahal at paghanga sa Pilipinas.
Kilala siya sa pagtuklas sa kulturang Pinoy sa pamamagitan ng kaniyang mga video, kabilang ang pagsubok niya ng iba't ibang lokal na street food, pagkain sa mga karinderya, at pagpapakita ng pang-araw-araw na karanasan ng mga Pilipino.
Bilang isang personalidad sa social media, nakapagtatag na si Kuya Kurt ng isang malakas na online presence at loyal following. Sa kasalukuyan, mayroon siyang mahigit 348,000 followers sa Instagram at mahigit 451,000 subscribers sa YouTube, at patuloy niyang ibinabahagi ang kaniyang mga adventure at pakikipag-ugnayan sa mga audience sa Pilipinas at sa buong mundo.
2. Marunong mag-Tagalog
Maraming beses nang bumisita si Kurt sa Pilipinas bago siya nagdesisyong manirahan na rito.
Sa kaniyang pananatili sa bansa, ibinabad niya ang kaniyang sarili sa kulturang Pinoy, niyakap ang lokal na paraan ng pamumuhay, at inilaan ang oras sa pag-aaral ng wikang Tagalog.
Noong 2018, inilunsad niya ang kaniyang social media pages sa ilalim ng pangalang "Tagalog Kurt," bilang isang paraan para idokumento ang kaniyang paglalakbay at tulungan ang sarili na muling matuto at magsanay ng Tagalog.
Sa pamamagitan ng kaniyang content, hindi lamang niya nahasa ang kaniyang kasanayan sa wika kundi ibinahagi rin niya ang lumalago niyang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino para sa mga sumusubaybay sa kaniyang content sa buong mundo.
3. Isang dating Kristiyanong misyonero
Unang naglakbay si Kurt sa Pilipinas sa edad na 19 bilang isang Kristiyanong misyonero, ayon sa isang video interview kasama ang Emirates Loves Philippines. Sa kaniyang gawaing misyonero, nadestino siya sa Hilagang Luzon, at naglingkod sa ilang probinsya, kabilang ang Abra, Pangasinan, at iba't ibang bahagi ng Ilocos Region.
Ang panahon na pakikipag-ugnayan niya sa komunidad ang nagbigay-daan upang magkaroon siya ng mas malalim na koneksyon sa mga mamamayan, kultura, at wikang Pilipino — na nagbigay-inspirasyon para bumalik siya ng bansa at kalaunan gawin itong tahanan.
4. Dating US Marine
Bukod sa kaniyang trabaho bilang isang Kristiyanong misyonero, dati ring miyembro si Kurt ng United States Marine Corps. Naglingkod siya sa Marine Corps sa loob ng 11 taon, at ipinadala siya sa ilang mga bansa, kabilang ang Pilipinas.
5. May karanasan na rin sa pag-arte
Bago ang kanyang pagganap sa "The Master Cutter," gumanap na rin si Kuya Kurt ng iba pang mga papel sa pag-arte.
Noong 2024, bumida siya sa maikling pelikulang "Dog in Search of a Leash" sa direksyon ni Bon Jamora. Sa pelikula, ginampanan niya ang role ni Bill, isang Amerikanong nagsimula ng isang "familiar roleplay" kasama ang isang Pilipina na nagngangalang Bebang.
Nagkaroon din ng special appearance si Kuya Kurt sa isang episode ng "Magpakailanman" noong unang bahagi ng 2026 kasama sina Rikki Mae Davao at Jackie Lou Blanco, kung saan ginampanan niya ang papel ni William.
6. Isa rin siyang musikero
Lingid sa kaalaman ng iba, isa ring musikero si Kuya Kurt. Tumutugtog siya ng mga instrumentong pangmusika gaya ng ukulele sa kaniyang libreng oras.
Ayon kay Kuya Kurt, nagbibigay sa kaniya ng kapayapaan ang pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika.
"Paminsan-minsan tumutugtog ako ng mga instrumento. Nagdudulot ito ng kapayapaan sa akin kaluluwa," sabi niya.
-- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA News
