Ibinoto bilang bagong Senate President nitong Lunes si Senador Vicente Sotto III. Dahil dito, hindi raw muna mapapanood sa long-running noontime show na "Eat Bulaga" ang dabarkads na tinatawag na si "Tito Sen."

“Wala, papaalam muna ako [sa Eat Bulaga],” sabi ni Tito Sen sa mga mamamahayag matapos siyang iboto ng mga kapwa niya senador bilang kanilang bagong lider sa kapulungan.

Pinalitan ni Tito Sen ang nagbitiw na Senate President na si Sen. Koko Pimentel.
Bago nito, hawak ni Tito Sen ang posisyon bilang Majority leader ng Senado.

Si Sen. Juan Miguel Zubiri naman ang nahirang na kapalit sa binakanteng posisyon ni Tito Sen bilang majority leader.

Ayon kay Tito Sen. mag-uusap muna sila nina Vic Sotto, Joey De Leon, at Tony Tuviera, na namamahala ng Eat Bulaga.

Karaniwang napapanood si Tito Sen sa "Eat Bulaga" kapag walang sesyon ang Senado.

Aminado naman ang senador na maraming mahahalagang panukalang batas na kailangan nilang repasuhin at ipasa.

“(I am) a little stressed because I am looking at the incoming measures that have to be tackled. Nakakalula. But siyempre we have to rely on our experience and the help of my colleagues, the Senate President will not be able to do it alone,” aniya.

Napag-alaman na 16 sa 24 na senador ang bumoto para gawing lider nila sa Senado si Tito Sen. --FRJ, GMA News