Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes na magpapalabas siya ng executive order upang ipagbawal na ang mga paputok sa buong bansa kahit bumaba ang bilang ng mga nasugatan sa nakaraang pagsalubong sa Bagong Taon.

"I will issue the executive order this early para warning na doon sa lahat that I am banning firecracker altogether," deklara ni Duterte sa kaniyang talumpati sa San Jose del Monte City, Bulacan.

"I will ban firecrackers. Wala na...Maski isang bata mawalan ng kamay. So as a president why would I allow it?," paliwanag ni Duterte na unang ipinatupad ang firecracker ban sa Davao City noong maging alkalde siya.

Pinawi rin ng pangulo ang paniniwala na maitataboy ng mga paputok ang masamang espiritu.

Noong nakaraang taon, inihayag ng Malacañang na nais ni Duterte na magpasa ang Kongreso ng batas na nagpapatupad ng firecracker ban.

Bagaman walang batas na naipasa ang Kongreso, naglabas naman si Duterte ng Executive Order 28, na naglilimita sa paggamit ng mga paputok at pagtatakda ng community fireworks display sa bawat barangay o komunidad.

Noong nakaraang Oktubre, iniutos ni Duterte ang pagsuspindi sa pagproseso ng mga lisensiya at permit sa paggawa, pagbebenta ng mga paputok at pyrotechnic devices.

Kamakailan lang, inihayag ng Department of Health na bumaba ng 68 porsiyento ang firecracker-related injuries sa selebrasyon ng pagsalubong sa 2019. —  FRJ, GMA News