May mahalagang papel na ginampanan si Dingdong Dantes sa inaabangang pelikula na "Family History," na pinagbibidahan nina Michael V at Dawn Zulueta.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang teaser ng pelikula kung saan gumanap na duktor ang Kapuso Primetime King.

Sa teaser, tila si Dingdong may masamang balita ang kaniyang karakter tungkol sa isyu ng kalusugan ng isa kina Bitoy at Dawn, na gumaganap na mag-asawa sa pelikula.

"Kung natuwa kayo du'n sa eksena... parang nasa ano pa lang 'yun eh, parang 1/4 pa lang less than 1/4 ng pelikula. Marami pa, buong pelikula medyo ganu'n 'yung pelikula," sabi ng Kapuso comedy genius.

Bukod sa pelikula, may gag video din na inapload si Bitoy sa kaniyang Youtube channel kamakailan kung saan kasama niya si Dingdong para sa isang comedy skit.

Dito ay kunwaring mali ang tawag ni Dingdong kay Bitoy na magiging dahilan kunwari ng pagwo-walkout ng komedyante.

Ayon kay Dingdong, sa mga naturang eksena niya lalong hinangaan ang pagiging genius sa comedy ni Bitoy.

"Soon ko talaga na-experience 'yung magic ng Michael V., 'yung magic ng Bitoy. Parang, 'Ito pala 'yung nangyayari sa Bubble Gang 'no. Ganito pala mag-gag si Michael V.' Kaya siya hanep," anang aktor.

Ang naturang video na inapload sa social media ni Bitoy at ng GMA Network ay umabot na sa higit isang milyon ang views. --FRJ, GMA News