Isang nakabibinging hiyawan ang isinalubong ng Pinoy fans sa K-pop boy group na EXO sa unang gabi pa lang ng kanilang two-day EXO PLANET #5 EXplOration concert.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News “Balitanghali Weekend” nitong Sabado, sinabing bonggang stage production at all-out upbeat dance ang hinandog ng EXO members na sina Suho, Baekhyun, Chanyeol, Chen, Kai at Sehun sa kanilang fans.

Sumayaw sila sa saliw ng kanilang hits na "Tempo," "Transformer" at "Gravity."

Hindi nakasama sina Xiumin at D.O. dahil sa kanilang mandatory military service sa Korea.

Gayunman, enjoy ang fans sa kumpletong rekados ng kanilang performances.

Nakitang nanood ang celebrity doctors na sina Vicki Belo at Hayden Kho. Ayon kay Vicki, gusto ring manood ni Scarlet Snow.

"Thank you guys. You are really doing a lot to entertain the world and make people happy. Everybody is so crazy over them," mensahe ni Vicki sa EXO.

Ito ang ika-apat na pagtatanghal ng EXO sa Pilipinas. — Jamil Santos/DVM, GMA News