Nagreklamo ang ilang mga small-time hog raisers sa isang barangay sa Antipolo City dahil sa paglibing na buhay sa kanilang mga alagang baboy sa gitna ng mga kaso ng pagkamatay, kahit na wala naman umanong sakit ang mga ito.

Sa ulat ni Rida Reyes sa "24-Oras," sinabi ng mga hog raiser sa Barangay Cupang na gumagalaw pa ang kanilang mga baboy nang inilagay sa hukay.

Ayon sa kanila, sapilitan na kinumpiska ng mga taga-City Health Office and kanilang mga baboy kahit wala naman umanong mga sakit ang kanilang mga alaga.

Iginiit nilang walang mga sakit ang kanilang baboy. Batid naman umano nilang may mga namatay na baboy sa kanilang lugar.

Mahigit 1,000 mga baboy ang nakumpiska ng mga taga-City Hall mula nang magsimula ang culling sanhi ng napabalitang pagkamatay ng ilang mga baboy sa lugar.

Nangako ang city government na babayaran ang mga baboy na kinumpiska ng P3,000 bawat isa.

Sinubukan ng GMA News na makausap ang mga taga-City Health Office ngunit hindi ito nagpaunlak ng interivew.

Hindi pa rin makumpirma ng mga taga-Department of Agriculture kung anong sakit ang tumama sa mga baboy.

Nakahanda naman umanong tumulong ang DA sa hog raisers na apektado. —LBG, GMA News