Itutuloy pa rin ng mga deboto ang traslacion ng Our Lady of Peñafrancia sa Naga City sa kabila ng nagbabadyang malalakas na pag-ulan sa darating na Biyernes.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, nakiisa ang ilang mga ahensya ng pamahalaan sa paghahanda para sa kaligtasan ng mga deboto at mino-monitor ng city disaster risk reduction and management office (CDRRMO) ang mga lugar ng lungsod na flood-prone o palaging binabaha.

Kabilang ang Bicol region sa mga lugar na apektado ngayon ng masamang panahon dahil sa paparating na bagyo.

Ayon sa ulat ni JP Soriano, magdamag na umulan sa Naga City at naka-monitor ang mga awtoridad sa flood prone areas.

Buong araw noong Miyerkules, ayon sa ulat, ay makulimlim at pabugso-bugso ang ulan sa malaking bahagi ng lungsod.

Idaraos sa Biyernes ang tradisyunal na Traslacion, mula sa Peñafrancia Shrine patungo sa Naga City Metropolitan Cathedral.

Itinuturing na ina ng mga debotong Katoliko sa Bicol region ang Our Lady of Peñafrancia.

Inaasahang aabot sa isang milyon ang mga debotong lalahok sa taunang traslacion, ayon sa ulat.

Itinuturing na isa sa pinakamalaking religious activity ng mga Katoliko ang traslacion ng Peñafracia.

Pinapayuhan ng mga opisyal ng CDRRMO ang mga deboto na maghanda ng panangga sa ulan sa panahon ng traslacion. —LBG, GMA News