Kinumpirma ng Makati police na isang insidente ng kidnapping ang kumalat sa social media nitong Lunes ng gabi. Ang biktima, isang Chinese at mga kababayan niya ang lumalabas na mga suspek.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes,  sinabing nangyari ang insidente sa kanto ng Paseo de Roxas at Perea Street sa Makati City.

Sa viral video, madidinig ang pagsigaw ng babae habang pilit naisinasakay siya sa van.

May ilang tao na lumapit sa van pero hindi nila napigilan ang pagtangay ng mga suspek sa biktima.

"Kasi nakakatakot din po eh baka mamaya may dala [armas] yung mga kumidnap kaya hindi na lang nakialam," sabi ng isang saksi.

Ayon kay Police Colones Rogelio Simon, hepe ng Makati police,  tila sadyang itinatago rin ng biktima ang kaniyang mukha dahil naka-face mask ito nang mangyari ang insidente.

Lumalabas sa imbestigasyon na naka-tatlong ikot sa lugar ang van bago huminto sa Paseo de Roxas at lumapit sa sasakyan ang biktima mula sa Perea Street.
Pumasok pa umano sa van ang babae at nakipag-usap sa mga lalaking nasa loob ng sasakyan.

Pero nang bumaba siya, pilit ulit siyang isinakay sa van ng mga lalaki.

May nakuha ring ilang dokumento na posibleng galing sa van gaya ng photocopy ng mga chinese passport.

Batay umano sa makukuha nilang kuwento, tila may atraso ang biktima kaya itinatago rin niya ang kaniyang identity.

"Ang tinigtignan namin usually mga POGO or online companies ng mga Chinese na yung kanilang mga employees nakakagawa ng kasalanan o kaya may mga ninanakaw doon sa company," anang opisyal.

Naplakahan naman ang van pero nang i-trace ng mga pulis na sa ibang sasakyan ito nakarehistro.

Kumakalap na ng mga CCTV footage ang mga pulis para matunton ang mga kumuha sa biktima. -- FRJ, GMA news