Kulungan ang bagsak ng anim na Chinese matapos nilang dukutin umano ang dalawang Chinese at isang Vietnamese at manghingi ng ransom sa Bacoor, Cavite. Ang mga lalaking suspek, ginahasa pa raw ang mga babaeng biktima.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang pagsalakay ng PNP Anti-Kidnapping Group at Cavite Police sa isang bahay sa naturang lugar sa hudyat ng raiding team.

Agad na-corner ang tatlo sa mga suspek.

"Pagpasok ng assault team natin, mga rescuers natin, sa baba, although second floor siya, magkaiba 'yung entrance. May access way 'yung second floor, iba 'yung access way sa first floor. Sa first floor, dito natin nakita 'yung tatlong suspects. Then upon assault, 'yung other three nagtakbuhan," sabi ni PNP-AKG spokesperson Lieutenant Colonel Jowel Saliba.

Sinubukang tumakas ng tatlo pang salarin pero nahuli rin.

Isinagawa ang operasyon nang humingi ng tulong ang dalawang Chinese para masagip ang kanilang mga nobya na kinidnap sa iisang lugar sa Parañaque noong Disyembre 10 at 11.

Bukod sa pandurukot, humingi pa umano ang mga suspek ng ransom na P700,000 at P1.4 million.

Sinagip din ng pulisya ang isa pang babaeng Chinese na tumalon dahil sa takot. Isinugod siya sa ospital.

Lumabas sa medico legal na positibo sa panggagahasa ang tatlong babaeng biktima.

Inihahain na ang reklamong kidnap for ransom, serious illegal detention at rape laban sa mga salarin.

Hindi sila nagbigay ng mga pahayag. — Jamil Santos/DVM, GMA News