Tuluyan nang idineklara na walang novel coronavirus infection ang batang Chinese na minomonitor sa Cebu. Ito ay matapos na magnegatibo siya sa naturang virus sa isinagawang confirmatory test na ipinadala sa Australia.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation Address with Jessica Soho" nitong Biyenres, sinabing nanggaling sa Victorian Infectious Disease Reference Laboratory sa Melbourne ang resulta ng confirmatory test.

Dahil dito, nananatiling ligtas pa rin sa nCoV infection ang Pilipinas.

"This is indeed very welcome news to ease the Filipinos' growing concern. We will continue to monitor the developing situation and ensure mechanisms to contain the threat of 2019-nCoV," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Dumating ang bata sa Cebu nitong Martes mula sa Wuhan, China, ang lungsod kung saan nagmula ang virus at nagdulot ng outbreak.

Tinatayang nasa mahigit 400 katao na sa China ang nahawahan ng virus at mahigit 20 na ang namatay.

Unang sinuri ang bata nang kakitaan siya ng sintomas ng sakit at lumitaw na positibo siya sa coronavirus. Kaagad naman siyang kinuhanan ng specimen sample para matukoy kung ang taglay niyang coronavirus at katulad ng kumalat na virus sa China.

Nitong Huwebes, ibinalita ng DOH na negatibo ang bata sa nCoV pero hindi siya kaagad inalis sa quarantine dahil kailangan pa ang resulta ng confirmatory test na manggagaling sa Australia.--FRJ, GMA News