Inihayag ng Department of Health (DOH) na 11 katao ang kanilang minomonitor o persons under investigation (PUIs) bilang pag-iingat sa 2019 novel coronavirus  (2019-nCoV) dahil kinakitaan sila ng mga sintomas ng sakit.

Sa pulong balitaan nitong Lunes sa Malacañang, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, na pawang dayuhan ang PUIs at nasa ospital.  

Dalawa sa kanila ang nasa Metro Manila,  tig-tatlo sa Western at Central Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Northern Mindanao at  Eastern Visayas.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Duque na wala pa ring kompirmadong kaso ng nCoV sa Pilipinas.

Ang mga iniimbestigahan umano ay may travel history sa Wuhan sa China, na ground zero ng outbreak ng bagong uri ng coronavirus.

Hinihintay pa umano ang DOH ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa mga PUIs ng Research Institute for Tropical Medicine.

“Kung mag-positive, hindi pa papauwiin. Magpapadala ng confirmatory test sa Melbourne, Australia,” paliwanag ni Duque.

Una rito, itinanggi ng Manila Health Department (MHD) ang kumalat na post sa social media na may kompirmadong kaso ng novel coronavirus sa Metropolitan Hospital sa Binondo.

Itinanggi rin ng Medical City nitong Linggo ang lumabas sa social media na may pasyente silang infected ng virus. —FRJ, GMA News