Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Armed Forces of the Philippines chief General Felimon Santos Jr., ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sinabi ni Lorenzana sa mga mamamahayag na ngayong Biyernes lang ng umaga niya nalaman ang resulta ng COVID-19 test kay Santos , na lumabas nitong Huwebes.

Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na magse-self-quarantine siya dahil nakasalamuha niya si Santos. Gayunman, wala raw siyang nararamdamang sintomas ng karamdaman.

"Protocol says I have to self-quarantine for 14 days," saad ng kalihim.

"I had close proximity with him on two occasions: in VAB (Villamor Air Base) during the turn over of medical supplies to me last Sunday p.m, 21 Mar, and again last Monday afternoon 22 March, here in GHQ and at the Heroes Hall, Malacañang," dagdag niya.

Si Lorenzana ang chairman ng government's national action plan na nagpapatupad ng mga hakbangin laban sa COVID-19.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng AFP Public Affairs Office na masusing inoobserbahan ng mga military physician sa V. Luna Medical Center si Santos,  na mananatili sa home quarantine hanggang Abril 10.

"He is well and in good health condition. He will be in his military quarters where he will continue the discharge of his duties and responsibilities," ayon sa AFP PAO.

Patuloy din umanong magtatrabaho si Santos, na aalalayan nina AFP Vice Chief of Staff Vice Admiral Gaudencio Collado, Jr. at Deputy Chief of Staff Lieutenant General Erickson Gloria.

Inatasan din umano ang mga nakasalamuha ni Santos mula noong Marso 13 hanggang 27 na mag-self-quarantine.

Pinayuhan din ang mga nakasalamuha ni Santos mula Marso 9 hanggang 12 na mag-ingat at obserbahan ang kalusugan.

Nito lang Huwebes, sinabi ni Santos na isang senior military official at misis nito ang nagpositibo sa COVID-19.

Ang naturang military official ay nakabiyahe umano sa ibang bansa, dinala sa V. Luna noong Marso 15 matapos ituring persons under investigation (PUIs)—FRJ, GMA News