Hindi na lamang sa Pilipinas may fans ang Kapusong aktres na si Jo Berry kundi pati sa South America. Dahil ito sa dalawang teleserye na kinabibilangan niya isinalin sa Spanish at patok ngayon sa Ecuador at Dominican Republic.

Ayon Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ang "Onanay" (“El Amor Mas Grande”) at "The Gift" (“Un Don Verdadero”) ay kabilang sa mga palabas na may pinakamataas na rating ngayon sa Ecuador.

Dahil dito, dumami ang mga Espanyol na fans ni Jo.

“Kinilig ako. Gino-google ko kasi some of them are messaging me hindi sa English e. So sabi ko nakakatuwa kasi naglaan din sila ng time para mag-send ng message sa’kin to tell me na nagustuhan nila ‘yung story,” anang Kapuso star.

Kamakailan lamang ay na-interview pa ang aktres sa isang sikat na morning show sa Ecuador.

“Kinakabahan ako kasi baka mali mali ‘yung masagot ko kasi halo-halo ‘yung kaba ko. Saka siyempre overwhelmed ako na marami ring makakanood do’n sa kanila. Kinabahan po talaga ‘ko,” kuwento ni Jo.

“Nag-picture ako, nag-send ako do’n sa makeup artist sabi ko, ‘Ate okay na po ba ‘to? Kasi Ecuador ‘to e, hindi ko alam kung okay na ba ‘yung ganitong ayos,’” biro pa niya.

Samantala, natuklasan naman ni Jo habang quarantine ang kaniyang talento sa baking.

Ayon sa aktres, banana bread at chocolate chip cookies ang pinakauna niyang mga sinubukang i-bake.

“Napatikim ko na rin siya sa ibang mga friend ko. Sabi naman nila masarap daw,” ani ni Jo.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News