Sa pakikipag-bonding niya sa fans, sinagot ni Arra San Agustin ang tanong kung may balak siyang sumali sa mga beauty pageant.

"Parang overaged na ako. Kasi 'di ba alam ko, I'm 26," sagot ni Arra sa "Hangout" ng GMA Artist Center.

"Overaged na ako kasi may training pa ito, 'di ba? Ang alam ko nagte-training pa itong mga sumasali sa pageants, mga beauty queens natin bago sila sumabak. At saka kailangan din yata ng, if I'm not mistaken, experiences," dagdag ni Arra.

Kuwento ni Arra, naging muse siya noong high school, pero hindi niya nakahiligan ang mga beauty pageant.

"And hindi ko talaga din siya nahiligan. Kasi very shy ako eh. 'Wallflower' ako, so hindi ko kaya 'yung mga gano'n."

Ang "wallflower" ay tumutukoy sa isang tao na introverted o nahihiya at dumidistanya sa crowd sa mga party para maiwasan ang limelight.

"Napaka-ironic niya sa trabaho ko dahil artista, humaharap sa mga tao, humaharap sa camera. Pero iba na 'yung datingan kapag ang daming nanood sa'yo sa stage. Feeling ko maninigas talaga ako, hindi ko kaya," sabi ni Arra.

Sinagot ni Arra ang tanong ngayong napapanahon ang Miss Universe 2020, kung saan nakapasok ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo sa Top 21, pero hindi sa Top 10.

Napanood si Arra sa Kapuso series na "I Can See You: On My Way To You" bilang si Tammy.

 

—LBG, GMA News