Para kay Dennis Trillo, mahalaga sa isang magkarelasyon na may oras din ang bawat isa para sa kanilang mga sarili, at hindi dapat na lagi silang magkasama.

Sa Kapuso ArtisTambayan, humingi ng payo ang isang netizen kina Dennis, Alice Dixson, Bianca Umali at Andrea Torres tungkol sa girlfriend niya na lagi niyang kasama, pero miss niya na rin ang kaniyang mga katropa.

Dagdag ng lalaki, gusto ng kaniyang nobya na sumama rin sa gala nilang magkakatropa, pero gusto ng netizen na maka-bonding ang kaniyang mga kaibigan na sila-sila lang.

"Explain mo lang sa kaniyang mabuti na importante rin 'yung time natin para sa sarili sa bawat isa. Kasi kapag kayo lang ang magkasama, siyempre hindi rin naman maganda 'yun kasi masyado nang pagiging possessive 'yun," sabi ni Dennis.

"Para sa akin kasi, kinukumpara ko 'yung pagmamahal sa isang bulaklak. 'Yung pagmamahal parang, naa-appreciate mo 'yung isang bulaklak, titingnan mo lang siya... naa-appreciate mo 'yung kagandahan niya. Pero once pinitas mo na 'yung bulaklak na 'yun, mamamatay na 'yun," dagdag ni Dennis.

Kaya payo ni Dennis sa mga tao na tila masyado nang nagiging clingy sa kanilang relasyon: "Kaya mas maganda na hayaan mo lang siya, huwag kang selfish masyado. Kailangan i-share mo rin sa iba."

Para naman kay Andrea, kailangan agad itong tugunan para hindi na maging isyu pa sa hinaharap.

"So habang maliit pa lang siya, ayusin mo na siya," sabi ni Andrea.

"Tsaka totoo 'yun, kailangan niyo ng time apart para mag-grow din kayo individually, healthy din 'yun. Hindi ibig sabihin no'n you love her less or ayaw mo siyang kasama. It's just that mas maganda 'yung ganu'ng set-up para mas mag-work 'yung relationship ninyo," pagpapatuloy ni Andrea.

Sinabi naman ni Bianca na mahalaga sa sitwasyon ang tiwala at respeto sa isa't isa.

"Tama 'yung mga sinabi nina Kuya Dennis at Ate Ada kanina na respetuhin niyo rin ang individuality niyo, dapat mag-grow din kayo apart. That doesn't mean na hindi niyo gustong kasama ang isa't isa. Part of loving someone is also loving the people that they love," sabi ni Bianca.

Dagdag ni Bianca, "Kasama ka man o hindi, 'yung pagtanggap at respetado mo sila, kaya kasama 'yon sa pagmamahal. Tama na dapat i-discuss at linawin. It's not supposed to be taken negatively, dapat mabalanse, pag-usapan nang maayos and it will happen, basta love niyo ang isa't isa maiintindihan niyo 'yan."

Inalala naman ni Alice ang kaniyang kabataan kung saan hindi rin siya naging mature noon sa kaniyang relasyon.

"Ako kasi, kasi it's all about maturity din eh. Kasi when I was her age, I was not as mature as that kasi I was very clingy, I want to always go out, 'Sama ako.' So it really depends on the maturity level ng kausap mo. I think I guess you can just try to encourage them to also hang out with their friends so that you can also hang out with their friends, so that you can also hang out with your friends," sabi ni Alice.

"Ang ending noon, if she's not mature enough to let you do those things that make you also happy, baka nga hindi kayo mag-work out," pagpapatuloy ni Alice.

Ang Legal Wives ay tungkol sa kultura ng mga Muslim na tumatalakay sa pagkakaroon ng isang lalaki ng higit sa isang asawa.

Gumaganap si Dennis bilang si Ishmael, na ikinasal kina Amirah (Alice), Diane (Andrea), at Farrah (Bianca). —LBG, GMA News