Arestado sa Maynila ang isang lalaki na sixth most wanted sa Tacloban City dahil sa panghahalay niya sa kaniyang stepdaughter.

Sa ulat ni Ian Cruz sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa video ng Tacloban City Police Office ang pagpapanggap ng mga operatiba bilang mga tauhan ng isang NGO na tumutulong sa may karamdaman dahil may sakit umanong goiter ang suspek.

Hindi na pumalag pa ang lalaki sa pinagsanib-puwersa ng Tacloban City Police at Manila Police District Station 4 Intelligence and Warrant Section nang tiyakin nilang ang target ang kaharap nila sa P. Campa Street sa Sampaloc.

Inilabas ni Judge Emelinda Maquilan ng Tacloban Regional Trial Court noong Enero 2021 ang warrant of arrest laban sa 47-anyos na suspek, na may kasong panghahalay sa 14-anyos niyang stepdaughter.

Inilahad ng mga awtoridad na Agosto 9, 2020 nang dalhin umano ng suspek sa madamong bahagi ng Calvary Hill sa Tacloban City ang kaniyang stepdaughter saka ito hinalay.

Gayunpaman, naglakas-loob na tumawag ang biktima sa kapatid nito upang ipaalam ang mapait na sinapit sa kabila ng pagbabanta sa kaniya ng amain.
Naireklamo ang suspek sa tulong ng kanilang lola.

Kasagsagan ng pandemya noon kung kailan mahigpit ang paglabas ng mga tao.

Naging mailap na ang suspek sa mga alagad ng batas mula nang ilabas ang warrant of arrest, hanggang sa mamataan siya sa Maynila.

Nakapanayam ng GMA News ang suspek sa MPD Sampaloc Station kung saan pansamantala siyang nakadetine bago ibalik sa Tacloban.

"Wala pong katotohanan 'yun sir. Gusto lang ng lola niya, 'yung biyenan ng asawa ko, na maghiwalay kami. Tinuruan nila 'yung bata para idiin ako sa ganiyang kaso," depensa ng suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA News