Nahaharap sa reklamo ang isang 13-anyos na "wiper boy" matapos niyang basagin ang salamin ng isang kotse nang tumanggi ang driver nito na magpalinis sa Mayamot, Antipolo.

Sa ulat ni Chino Gaston sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa isang CCTV ang paglapit ng binatilyong suspek na nakasumbrero sa kulay gray na kotseng minamaneho ni Loraine Pangilinan.

Nangyari ang insidente ng alas-dose ng tanghali ng Mayo 7 habang nasa stoplight ng Sumulong at Marcos Highway sa nasabing barangay.

Sinabi ng mga opisyal ng lungsod na kasama ang binatilyo sa mga "wiper boys" o mga nag-aalok na maglinis ng windshield o bintana kapalit ng barya.

Sa naturang insidente, pinaandar na ni Pangilinan ang wiper bago pa mahawakan ng lalaki ang windshield ng sasakyan, tanda na ayaw niyang ipalinis ang kaniyang windshield.

Lumayo naman ang bata, at kinausap ang iba pang wiper boys.

Pero makalipas ang ilang saglit, hinampas na ng binatilyo ang likurang salamin ng sasakyan gamit ang window wiper, saka tumakbo palayo.

Matapos ma-post sa social media ang video at litrato, hinanap at kinausap ng mga taga-barangay ang magulang ng batang nanghampas ng salamin.

Pinagharap ang magulang ng bata at biktima sa barangay, kung saan desidido raw magsampa ng reklamo si Pangilinan.

"Nagulat po ako, nabigla po ako kasi hindi ko naman po akalain na gagawin niya po 'yun," sabi ni Analiza Amor, ina ng suspek.

"Problema na po ng Barangay Mayamot ang tungkol sa wiper boys pero ngayon lang nangyari na talagang nabasag 'yung windshield ng sasakyan," ayon kay Melanie Laude ng VAWC desk.

Sisimulan ang hearing sa barangay sa susunod na linggo para sa reklamong malicious mischief laban sa menor de edad at kaniyang mga magulang. —Jamil Santos/VBL, GMA News