Ipinag-utos ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagsusuri sa natagpuang kalansay sa isang construction site sa loob ng compound ng kagawaran sa Maynila. 

Sa ulat ni Luisito Santo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing naibigay na sa forensic team ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kalansay para sumailalim sa pagsusuri.

Nitong Huwebes ng hapon natagpuan ang kalansay habang hinuhukay ang lugar na pagtatayuan ng apat na palapag na gusali sa likod ng main building ng DOJ.

“Merong mga skeletal remains na na-recover because of the ongoing construction. Siyempre, like any, we treat it like a crime scene. So pinatawag natin ang NBI ngayon to look into it,” saad ni DOJ Undersecretary Brigido Dulay.

 

 

Sa isang hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB kay Dulay, layunin daw ng kautusan ni Remulla na mas mabigyan pa ng malinaw na impormasyon kung gaano na katanda, at gayundin ang pagkakakilanlan ng kalansay.

Dagdag pa ni Dulay, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na noong panahon pa ng giyera ang mga kalansay dahil may katandaan na ang gusali at compound ng ahensiya.

Kasama sa nahukay ang isang bungo na may butas sa sentido.

 

 

Noong 2019, natuklasan din ng mga construction worker ang ilang kalansay habang naghuhukay sa compound ng DOJ.

Kabilang sa nahukay ang dalawang bungo na pinaniniwalaang nakabaon mahigit 25 taon na ang nakararaan.-- FRJ, GMA Integrated News