Ilang buwang nagkasakit ang isang aso sa United Kingdom at inakala ng mga doktor na may pancreatitis ito. Laking gulat nila na may mga panali sa buhok na kasing laki ng tennis balls sa loob ng tiyan ng aso.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing Marso ngayong taon nang may napansing kakaiba ang amo ni Rupert.

Ayon sa kanyang furmom na si Pip Johnson, nagsusuka at hindi raw mapakali noon ang kanyang alaga.

Ipina-checkup niya si Rupert sa veterinarian at pancreatitis o sakit sa pancreas ang unang diagnosis sa anim na taong gulang na aso.

Sa kasamaang palad, hindi bumuti ang lagay ni Rupert kahit pa naka-sampung bisita na sila sa vet at pinainom na siya ng gamot na in-order pa abroad.

Nitong Nobyembre, naghinala si Pip nang minsang magsuka si Rupert at naglabas ito ng hair ties o panali sa buhok.

Nagdesisyon si Pip na ipaopera na ang kanyang aso at nagulantang ang mga doktor sa nakita nila sa tiyan ni Rupert.

Dalawang bola ng hair ties na kasing laki ng tennis balls ang kanilang natanggal. Nasa 44 na panali sa buhok na pala ang nalunok ng aso.

Ayon kay Pip, tila ito raw ang unang beses na nakakita ng ganoong kaso ang mga vet sa pinuntahan nilang clinic.

Umabot sa £2,600 o katumbas ng mahigit P176,000 ang operasyon kay Rupert. Dati na raw nagsusubo ng kung anu-ano ang kanyang alaga.

Sa isang pagkakataon, kinain pa raw nito ang kanyang salamin sa mata.

Ang hindi lang niya inakala, kaya pala ni Rupert na kumain nang ganoon karaming hair ties.

Maayos na raw ang lagay ngayon ni Rupert.

“The elastic was sticking out from the fabric and they were much longer than they would usually be, but I could tell it was them. It looks like they’ve been there a good while. I think it’s been the hairbands all along,” ani Pip. — VBL, GMA Integrated News