Wasak ang dalawang bagon, at nasunog naman ang isa pa nang magbanggaan ang isang passenger train at cargo train sa Larissa, Greece noong Martes ng gabi. Umabot na sa 38 katao ang nasawi, 57 ang sugatan, at may mga nawawala pa.

Sa ulat ng Agence France Presse, sinabi ni Greek Prime Minister Kyriakos Mitsotakis na posibleng "human error" ang dahilan ng salpukan na itinuturing worst train crash sa kasaysayan ng kanilang bansa.

Ayon sa fire department, anim sa 57 katao na nananatili sa ospital ang nasa intensive care. Mayroon pa umanong mga biktima na hinahanap.

"Everything shows that the drama was, sadly, mainly due to a tragic human error," pahayag ni Mitsotakis sa televised address.

Nangako ang opisyal na masusing iimbestigahan ang pangyayari.

"I've never seen anything like this in my entire life," pahayag ng isang rescue worker. "It's tragic. Five hours later, we are finding bodies."

Sinabi ng volunteer fireman na si Vassilis Iliopoulos sa Skai TV, na pilit nilang tinutukoy ang ilang biktima sa pamamagitan ng bahagi ng kanilang katawan.

Posible pa umanong madagdagan ang bilang ng mga nasawi.

Nasa 350 umano ang sakay na pasahero ng passenger train na mula sa Athens at patungo sa Thessaloniki.

"It was the train of terror," sabi ni Pavlos Aslanidis, na nawawala ang anak na pasahero, kasama ang kaibigan.

Kaagad na nagbitiw sa puwesto ang transport minister ng Greece ilang oras matapos ang insidente.

"When something so tragic happens, we cannot continue as if nothing had happened," sabi ni Kostas Karamanlis sa pahayag.

Sumiklab naman ang protesta sa Thessaloniki rail station sa Larissa nitong Miyerkules ng gabi. May protesta rin naganap sa Athens kung saan binabato ng mga tao ang tanggapan ng Hellenic Train, ang namamahala sa railway.

Nangako ang kompanya na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng awtoridad, at nag-alok din ng "financial support" sa mga pasahero.

Dinakip na ang 59-anyos na station master ng Larissa kaugnay ng insidente at sinampahan ng reklamo.

Ayon sa government spokesman na si Yiannis Economou, ilang kilomentro nang tumatakbo sa parehong riles ang dalawang tren na nagsalpukan.

Inihayag ng rail union members na matagal nang usapin ang pagkukulang sa Athens-Thessaloniki railway line. Sa isang open letter noong Pebrero, inihayag ng isang tauhan na "incomplete and poorly maintained" ang track safety systems.

Nagbitiw ang safety supervisor noong nakaraang, at nagbabala tungkol sa kaligtasan sa tren dahil hindi umano kompleto ang infrastructure upgrades simula pa noong 2016 at mapanganib ang bilis ng takbo ng mga tren na hanggang 200 kilometers (124 miles) per hour.

Limang taon matapos na maibenta ang Greek rail operator Trainose sa Ferrovie Dello Stato Italiane, at naging Hellenic Train, hindi pa rin fully automated safety systems nito.

Tinatayang 150 firefighters at 40 ambulansiya ang nasa lugar ng insidente, ayon sa Greek emergency services.

Nagdeklara naman ng three days of national mourning ang mga awtoridad. -- AFP/FRJ, GMA Integrated News