Isang mananaya mula sa Misamis, Occidental ang solong tumama ng mahigit P18 milyon jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw nitong Huwebes ng gabi, Marso, 2, 2023.

Sa post sa Facebook page ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na tinayaan ng winning ticket sa Ozamis City.

Ang lumabas na mga numero ay 20-30-35-28-18-21, at may kabuuang premyo na P18,765,983.80.

Noong nakaraang Martes, isang mananaya rin ang nakasolo ng mahigit P50 milyon jackpot prize sa Lotto 6/42 draw.

Habang noong Lunes, tatlong mananaya ang masuwerteng nanalo sa magkahiwalay na draw ng Grand Lotto 6/55 at Mega Lotto 6/45.

Ayon sa PCSO, isang mananaya na bumili ng tiket sa Novaliches, Quezon City ang mapalad na nasolo ang mahigit P75.248 milyon jackpot prize sa Grand Lotto 6/55.

Samantalang dalawang mananaya naman na bumili ng tiket sa San Pablo City, Laguna ang maghahati sa napanalunan nilang mahigit P11.631 milyon para sa kasabay na draw na Mega Lotto 6/45.--FRJ, GMA Integrated News