Nahuli ng mga pulis-Maynila ang isang tinuturing na high-value target, at nasbat mula sa kanya ang mahigit sa P12 milyong halaga ng umano'y shabu.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nasabat ng mga operatiba ng Barbosa Police Station sa loob ng isang apartelle sa  Barangay 391 sa Quiapo ang mahigit P12-milyong "shabu."

Target ng operasyon ang suspek na si Salahudin Baumal alyas "Kulot."

Tatlong araw daw na minanmanan ng mga pulis ang suspek, pero hindi raw inasahang ganun karami ang kontrabandong hawak nito.

Tuloy-tuloy raw ang follow-up operation ng pulisya upang malaman kung saan kinukuha ng suspek ang supply ng droga at kung sinu-sino ang kanyang mga kasama. —LBG, GMA Integrated News