Inihayag ni Emil Sumangil na inilaan niya ang kaniyang dedikasyon sa pag-uulat ng crime and investigation dahil isa itong paksa na hindi umano siniseryoso ng ilang mamahayag.
“Doon tayo nalinya kasi ang orientation po sa akin ni boss Michael Fajatin na kinokonsidera ko po na adviser/mentor at napakabuting kaibigan, walang masyadong mamamahayag na sumiseryoso sa crime and investigation,” sabi ni Emil sa “Surprise Guest with Pia Arcangel.”
Sa obserbasyon ni Emil, ginagawang training ground ng ilang mamahayag ang pang-gabi na assignment, bago lilipat sa pang-umagang trabaho para kumuha ng ibang assignment.
“Samakatuwid para bang hindi sila comfortable, ‘yung ilan nating mga kasama sa paggawa ng mag istoryang krimen at lalo ‘yung manatili ka sa gabi, ‘yung sa halip na ikaw ay tulog, tayo ay gising,” sabi ni Emil.
“Sineryoso ko po ‘yun, sa totoo lamang po, without humility, kinarir ko kumbaga ika nga nila. Pinag-aralan ko ‘yung siyensya ng crime and investigation, ‘yung ins and outs niyan hanggang sa kahit papaano mapalalim at maging distinct ‘yung paggawa ng crime reporting kumpara noong mga nakaraan noon at kumpara po sa ating mga kakompitensya.”
Nakatatlong taon si Emil sa crime beat.
Nakatanggap pa siya ng mga alok na lumipat na sa pang-umagang trabaho sa National Bureau of Investigation, ngunit nakiusap siya na magtagal muna sa crime and investigation.
“Meron pa po akong gustong mapag-aralan pa, na ‘yung bagay na ‘yon sa karanasan ko lang makukuha. ‘Yun ho ang nagamit natin, with all humility, sabihin nating isang sandata ko, hindi ko naman sinasabing maging madali ang trabaho sa investigative reporting sa pang-umaga. Malaking tulong lang ho para mas lalong maging matalas, mas lalong komprehensibo, mas lalong maganda ‘yung ide-deliver na balita, dahil sa mga karanasan noong ako’y panggabi pa,” sabi ni Emil.
Nagsimula si Emil bilang isang production assistant sa ibang network. Naging video researcher din siya sa news department, hanggang sa maging isang editor.
Naging production assistant din si Emil sa radyo hanggang sa maging writer at head writer.
Nang magkaroon ng opening sa Kapuso Network, natanggap si Emil bilang isang segment producer ng reporter na si Michael Fajatin.
“Ako ho ‘yung nagbibitbit ng hidden camera, ako rin ang pumapasok sa mga lugar na kailangang idokumento ang mga ilegal na gawain. Ako ang magsusulat, ivo-voice lang ni Boss Michael noon,” pag-alala ni Emil.
Kalaunan, inendorso siya ni Michael bilang night beat reporter, at nagtuloy-tuloy na si Emil bilang mamamahayag sa GMA News.
May bagong public service program si Emil na Resibo: Walang Lusot ang may Atraso! — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News